Showing posts with label Pagibig. Show all posts
Showing posts with label Pagibig. Show all posts

Sunday, February 22, 2009

HIndi na kita mahal...

(Ito ay ang pagpapatuloy Pusong Nalilito... Batay sa totoong buhay ni Mark, Elsa at Riza. Katunayan, sa mga oras na ito, patuloy pang nadadagdagan ang mga kaganapan na bumabago sa kanilang mga kanya-kanyang buhay…)

Ramdam na ni Elsa ang paparating na ang denubyo. Isang kakaibang pakiramdam ng lamig,na tila tumatagos hanggang sa kasuluk-sulokan ng kanyang kaluluwa. Lamig na dala ay walang puknat na pangamba, mga makukulit at ma-pangasar na bulong na umaalingawngaw sa buo nyang pagkatao. Pilit hindi anigan ng tingin ang mga maiitim na halimaw na pumapaligid sa kanya. Nag bibingi-bingihan sa mapanlait na katotohanan. Lumulutang sa kawalan ng walang kasiguruhan. Nanginginig. Pinagpapawisan. Pilit hinahabol ang hinga.

Dumating na ang araw na kanyang kinakakatakutan. Araw na kung tutuusin ay hinding hindi niya inasahan. Kung saan ang minsan na mundo na kanyang ginalawan ng mapayapa at tiyak, kumpante at masaya ay magbabago na. Isang pagbabago na uukit magpakailanman sa kanyang puso at isipan. Isang pangyayari na magiging malaking impluwensya sa mga susunod na desisyon at mangyayari sa kanyang buhay. Mapait at sapilitang pagbabago ng kanyang pagkatao.

Friday the 13th. Araw ng kamalas-malasan. Nagpasama sa akin si Mark upang ihatid kay Elsa ang katotohanan na kanyang nadarama. Ayoko sana sumama dahil alam ko masakit ang susunod na mangyayari, hindi ko na dapat pang masaksihan iyon. Ngunit pinilit ako ni Mark. Inaasahan niya ako na alalayan si Elsa na malapit rin naman sa akin. Kahit dinahilan ko na ang lahat na pwede kong idahilan, maghihintay raw siya. Late na ako dumating, mag 9:30 na nang gabi noon. Inabot ko silang nag-uusap na. Sa isang madilim na lugar sa Paco park. Mata sa mata. “Hindi na ako masaya sa iyo, hindi na kita mahal Elsa”. “Ayoko na, Tama na” walang emosyong pagkakasabi ni Mark. Kalmado at sigurado. Walang halong kung ano-ano pa.

Nanahimik ako sa isang tabi. Lumayo na ako sa kanila. Napatingin sa langit na nuong gabi na iyon ay maulap. Walang bituin, walang buwan na makita. Ang tanging meron lang ay ang inggay ng mga maliliit na insektong nakatira sa damuhan at puno ng park na iyon. Napakasakit ng mga oras na iyon para kay Elsa. Isang kundisyon kung saan hindi mo mawari ang pakiramdam mo. Galit. Asar. Habag sa sarili. Duda. Inis. Piliit inaalam ang mga dahilan sa mga nangyayari. Pilit humawak o hatakin muli ang pag-ibig na minsan ay kanyang kanya lamang. Pag-ibig na akala niya hinding hindi siya iiwan. Isang biyaya na kanyang maraming beses pinabayaan, at ngaun nagdesisyon na siya’y lisanin.

Wala akong magawa. Pilit ko man ibuhos lahat ng aking karanasan at nalalaman. Wala itong epekto. Walang anumang salita ang makapagpapagaan sa isang tao na nilisan ng kanyang pinakamamahal. Lalo na’t ilang araw na lamang sana eh mag aapat na taon na ang kanilang relasyon. Pakiwari ko kay Elsa, para syang buhay na katawan na walang kaluluwa. Lumulutang. Hindi alam kung saan patungo. Ang normal na takbo ng buhay ay biglaang nahinto. Ang minsan na malinaw na daan ay napuno ng alikabok ng nakaraan.

Napakahirap sabi ko sa sarili ko. Napakasakit. Sana kayanin niya. Ang mga susunod na mga araw, linggo at buwan ay hindi magiging madali. Sa kanya at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Para siyang isang naglalakad na “black hole” kung saan parang hinihigop niya lahat ng sama ng loob sa paligid. Na kahit ang pinaka makinang na bituin o animo'y liwanag ay hindi makatakas sa bagsik ng higop na ito patungo sa maitim at malamig na kawalan. Pinagsakluban ng langit at lupa. Nakakahabag. Nakakainis. Hindi mo alam ang pwede mong gawin. Kung may gagawin ka man, alam mo baliwala ito. Dahil na kay Elsa na ang bola kung paano siya makakabangon rito.

Mas mabuti pa raw ang mamatayan. Merong burol at libing. Kung saan ang ataol ang magpapatunay ng isang pagwawakas. Kung saan ang libingan o puntod ay tanda ng tunay na katapusan. Naalala mo pa ba ng huli kang iniwan ng iyong kasintahan? Naalala mo pa ba kung paano ka naka move on? Kung paano ka bumangon matapos ang lahat-lahat? Paano mo nga pa tatakasan ang mga halimaw ng depression, denial, anger at self-pity? Nagmamakaawa. Pipilitin magbago. Dumadalangin sa Diyos na tila hindi nakikinig. Nabubuhay sa mundo na para bang walang pakialaam sa kinasasadlakan mo.

Huli na ang lahat…“Hindi na kita mahal…”

(itutuloy….)

ORIGINAL POST DATE: 2/20/09
UPDATE 2/22/09: Medyo nawala ako bahagya sa sirkulasyon gawa ng pagtindi ngayon ng depression ni Elsa. Hindi ko mawari. Sinisiraan na niya si Mark at ako. Pinagdududahan ang lahat sa kanyang paligid...