Showing posts with label Pagpapakatotoo. Show all posts
Showing posts with label Pagpapakatotoo. Show all posts

Tuesday, March 10, 2009

Pag-Subok sa Pag-Ibig

Habang nilalakad ko si Choco sa maliit naming bakuran, nakakita nanaman ako ng bulalakaw. Ngunit ang bulalakaw na ito ay hindi karaniwang napapansin ko. Ito ay tumagal ng mga tatlong segundo bago nawala sa kawalan ng gabi. Mapula ang kulay, hindi ang karaniwang puti na madalas makita. Sa aking pagkamangha, hindi ko na naisip mag wish. Ang naisip ko ang pelikulang “Armagedon” kung saan muntik tamaan ang mundo ng isang asteroid. Sabi ng mga syentipiko, hindi na tanong kung mangyayari nga yun, ang tanong eh kung kalian mangyayari muli. Ang susunod na katanungan eh handa nga ba ang mundo? Handa nga ba ako?....

Naihambing ko tuloy sa buhay pag-ibig ng tao. Hindi tanong kung darating ang pagsubok, kasi talagang darating yung punto kung saan ang kasiguruhan ay babalutin ng duda at pangamba. Maaring kagagawan natin mismo, o kagagwan ng ating minamahal. sinadya at hindi sinasadya, gawa ng pagkakataon at samu’t-saring dahilan na ni-minsan hindi pumasok sa ating isipan sa ka-initan ng pagmamahalan Maaring paghandaan, pero madalas ang paghahanda ay hindi sapat upang itigil ang mabangis na realidad ng totoong buhay. Parang isang galit na asteroid na animo’y galing sa kalawakan, naka “full-speed ahead” sa isang payapang planetang asul na tinaguriang tahanan ng magagandang alaala, matatamis na pangako at pangarap sa dalawang nagmamahalan.

Tinanong ko kamakailan lamang kung dapat nga ba sabihin sa mahal mo kung may kras kang iba. At kung kras ka rin nito, sasabihin parin ba o hindi na. Tanong kung may karapatan nga ba ang mahal mo na magtampo o magalit kung sakali malaman nito. Nakaktuwa ang mga reaksyon. Sa simula, parang napaka simpleng bagay, ngunit sa kalaunan nagging kumplikado. Ang lahat ng ito nagsimula dahil lang sa inakalang simpleng bagay tulad ng isang “kras”. Parang isang itim na binhi na baliwala, pero kung pinabayaan, sa kalaunan ay nagiging mabangis na peste.

Ang iba piniling manahimik para hindi maging kumplikado ang sitwasyon.
Ang iba naman nandigan na dapat maging totoo lagi sa minamahal mo.

Mapa 3rd party, LDR at kung ano-ano pa. Ang pananahimik o pagpapakatotoo. Sa aking pagmumuni-muni. Naisip kong parehong tama at mali ito. Parehong tama dahil ang reaksyon ay nakabatay sa intensyon na pangalagaan ang relasyon ng dalawang nagmamahalan. Ngunit pareho rin na mali sapagkat hindi binigyan ng pansin ang personal na magiging epekto nito sa atin at sa ating minamahal, mabuti man o masama.

Maaring tama ang pagpapakatotoo, ngunit kung ito ay makaksakit sa damdamin at ibinigay sa hindi tamag oras, tama parin kaya ito? Maaring karapatan natin malaman ang totoo, ngunit handa nga ba tayong malaman ang totoo? Maaring ang pananahimik ay makakabuti para sa ati pero makakbuti rin kaya ito sa ating minamahal kung wala siyang alam sa mga nangyayari? Totoo nga ba na ang hindi mo alam ay hindi makakaapekto sa iyo?

Kinamusta ko sa aking huling survey ang “love-life” ng mga dumadaan. Kapansin-pansin na karamihan dito ay sumagot na “pinagtiya-tiyagaan” o kaya’y “pwede na”, ang sumunod naman sa pinaka-marami ay sumagot ng gusto ng "makawala". Napakaliit na porsyento ang sumagot na masaya silang tunay.

Sa aking pakiwari, ang isang pagmamahalan ay binubuo ng tatlong aspeto.

Ikaw, Siya at ang Relasyon.

Marami ang sadyang nakatuon lamang sa aspeto ng “relasyon”. Hindi na importante kung ang isa ay tunay na masaya pa, mapanatili o mapanindigan lamang ang “relasyon”.

Meron din naman nakatuon lamang sa aspeto ng sarili, habang masaya o may pakinabang, yun na ang importante kahit kung tutuusin wala namang pinupuntahan o katuturan ang “relasyon”, na pati ang isa ay nagtyatyaga na lamang.

At meron din nakatuon lamang sa aspeto ng kanyang “mahal”, kahit kung magpakatotoo ay hindi na ito masaya dito at bagkus awa, pride o hiya ang nagsisilbing dahilan upang ipagpatuloy ito.

Nakakalungkot isipin na maraming tumatagal na relasyon na kung tutuusin ay walang tunay pagmamahalan, kadikit nito ang walang tunay na kaligayahan ng puso’t isipan nila. Na para bang ikinulong ang mga sarili sa hawla ng kahibangan.

Naniniwala ako na kaakibat ng tunay na pag-ibig ang pagpapakatotoo at tiwala. Sa lahat ng aspeto nito. Ito ang susi sa isang ganap na pagmamahalan at kasiyahan. Bagama’t ang mga pag-subok ay hindi natin gusto at hindi mapipigilan, ito rin ang mga pagkakataon na maaring gumising sa atin tungkol sa realidad ng isang pagmamahalan.

Hindi puro “ikaw”. Hindi puro “siya”. Hindi puro “relasyon”.

Handa nga ba tayong makita ang katotohanan na ito?

Ito ang pag-subok ng pag-ibig. Ito ang pag-subok ng katotohanan.

Thursday, March 5, 2009

Pwede mag Tanong?! - 1+twist+sequel

(*Kataka-takang katuwaan lamang….
Serye ng mga makukulit na tanong mula sa dako paroon…)

Ang susunod na pambasag ay ang huli sa tanong na ito.

Pambasag 2: Kung sakali nga sabihin ang totoo sa mahal mo na may kras kang iba, at ito ay may kras din sayo, may karapatan ba ang mahal mo na magalit o sumama ang loob sa iyo at sa kras mo? Kung sakali sugurin at awayin ng mahal mo ang kras mo, may karapatan ka bang magalit din sa mahal mo? Katapusan na ba? Kung sakali matapos, sino ang may kasalanan, ikaw na nag ka kras ng iba, o si mahal na nasaktan? hmmmm...

Okay! Lumabas na ang mga unang komentaryo. Kung dapat bang sabihin sa mahal mo na may kras kang iba o hindi. May nagsabi na huwag na sabihin at baka mas maging kumplikado ang sitwasyon. Meron din naman na dapat magsabi lagi ng totoo at kras lang naman, at iba parin ang pagmamahal...
Eto ngaun ang twist...


Pambasag 1: Eh paano kung yung kras mo, ay may kras rin pala sayo. Huwaaw! Gugustuhin mo parin ba hindi malaman na ang mahal mo ay may kras na iba? Gugustuhin mo parin ba sabihin ang totoo sa mahal mo? Kumplikado nga ba o simple lang. Hmmmmm.....

“I’d rather tell you honestly… than sleaze you with a lie…” or NOT?!

Mahal Kita…
Pero Crush Ko Siya...
Tampo ka o galit kaba?

Mahal nga kita talaga!
Pero crush ko siya talaga!
Totoo naman diba?

Sobrang mahal kita…
Pero sobrang crush ko lang siya…
Sabihin ko ba? O akin na lang ba?

Hmmm…
Isip…Isip…
Kataka-taka!

PUNAWA: Wala itong kinalaman sa akin. Mahal peace tayo ha!
Nagtatanong lang. Hehe! =)

Thursday, February 26, 2009

Sikreto ni Orakulo

Mahal kong Orakulo,

Ako ay ikaw at ikaw ay ako. Ang lahat ng ikaw ay ako. Lahat ng naranasan mo, mula ng ikaw ay ipinanganak hanggang sa kasalukuyan, naranasan ko rin. Lahat ng natutunan mo ay natutunan ko rin. Sa mundo kung saan tayong dalawa ang patuloy na magsasama hanggang sa huli.

Batid ko ang pagod ng iyong utak at puso sa patuloy mong pakikibaka sa mga kahibangan ng tao. Oo, kasama ka na roon. Tao ka rin. Napapagod, naguguluhan at nalilito. Normal lamang ito. Nang ikaw ay ipinanganak, sadyang binigyan ka ng puso para makaramdam at utak para maka pag-isip. Sadyang magkahiwalay. Minsan magkasundo, minsan magkatunggali.

Puso para makaramdam ng saya at lungkot, galak at pighati, pag-ibig at sama ng loob. Utak para maintindihan ang tama sa mali, ang sobra sa kulang, ang naaayon sa kalokohan. Ang pagtatagpo nito ang iyong kaluluwa. Ang siyang kabuuuan ang iyong puso’t isipan na pinagsama.

Nakakapagod. Nakakalito. Nakakainis. Mga pagkakataon na ang dalawa ay magkatungali. Na tila ang puso mo ay hindi naayon sa iyong utak. Isang digmaan ng pagkatao, na ang isa ay hindi pumapayag magpatalo sa isa. Alam mo sa isipan mo ang dapat mong gawin, ngunit ayaw ng puso mo. Minsan naman gusto ng puso mo, pero kinaayawan ng isipan mo. Nag bubulag-bulagan. Nag bibingi-bingihan.

Mahirap at masakait man, doon mo mararamdaman at malalaman ang tunay na kagustuhan ng iyong kaluluwa. Ang importante, huwag na huwag mo pabayaan ang dalawa. Huwag kang mangampi. Huwag mo kalimutan ang iyong puso dahil lamang sa kagustuhan ng iyong utak. Ito ang dahilan kung bakit marami ang siyang nabubuhay na walang tunay na kaligayahan sa sarili. Pakiramdam ng kawalan, pakiramdam ng pagkabato, pakiramdam ng isang bagay na walang buhay.

Huwag mo rin baliwalaain ang iyong utak dahil sa kinasasabikan ng iyong puso. Marami ang naliligaw ang landas dahil dito. Nasasaktan na hindi naman dapat. Kawalan ng direksyon sa buhay, kawalan ng katuturan sa lahat ng ginagawa. Kawalan ng pag-asa. Pagkaipit o pagkakulong sa isang kahon na tila isang laruan na walang pakinabang.

Sa ultimong pinakamaliit na bagay sa buhay, hanggang sa pinaka kumplikado, ito ang realidad ng kabuuan mo. Ang importante matuto kang manahimik. Matuto kang magpahinga. Pahinga ng kalooban at isipan. Mapapagod din yang dalawang yan. Wala ibang pwedeng patunguhan iyon kundi pagkakasundo sapagkat sila ay tunay na iisa.

Ang importante wala kang kinakalimutan o kampihan sa dalawa. Alam ng kaluluwa mo kung hindi ka patas. Ibinubulong ito ng iyong kunsensya, ng sentido kumon. Mahirap kung tutuusin. Ngunit dito mo masusukat ang katibayan ng iyong pagkatao. Dito mo malalaman ang tunay mong kagustuhan at mga paninindigan. Dito mo makikilala at matatanggap ng buo ang iyong sarili. Upang sarili ay mahalin ng tapat at buo, para mahalin ang iba. Ito ang agimat mo, ito ang sikreto mo. Mga binhi ng sari-saring kapangyarihan…

Kapangyarihan maglakbay sa buhay na walang agam agam…
Kapangyarihan magpakatotoo sa puso’t isipan…
Kapangyarihan makamit ang tunay na kaligayahan…
Kapangyarihan laban sa anumang pagsubok na darating…
Kapangyarihan upang patuloy maglakad sa paroroonan…

Maniwala ka…Matuto ka… Mabuhay ka…

Nagmamahal ng Lubusan,

Orakulo

Monday, February 23, 2009

Keso ano? Keso kasi! Keso dapat.

Kakatapos ko samahan ang aking pusang si Choco para maglabas ng sama ng loob sa aming maliit na bakuran. Pansin ko na hindi na ganun ka lamig. Ang ihip ng amihan mula sa hilaga na nagdadala ng lamig ay parang humihina na. Senyales na ang posisyon ng mundo sa orbito nito ay papalapit na sa araw. Mas nagiging madali makakita ng shooting stars sa mga panahon nito. Sa aking paglalakad ng payapa sa maaliwas na gabing ito sa munti kong hardin, habang ginagawa ni Choco ang dapat niyang gawin, napaisip ako tungkol sa “kakesohan” ng tao.

Alam mo yun? Yung mga pagkakataon na animo eh para kang nandidiri sa mga sinasabi mo? Yung tipong habang nanunuod ng sine o telebisyon eh kinikilig ka na hindi mo alam kung bakit? Pag mahilig ka naman magbasa, yun yung tipong inuulit-ulit mong parte na basahin? May ginagawa ka na parang sobra sa normal na dapat na kilos para sa isa pang nilalang? Minsan may kasama pang luha na pilit mo ikinukubli na hindi makita…

Keso Eweee….. Keso yuck…. Keso anu ba yan….

Natatawa ako! Sabagay, sabi ko sa aking sarili, hindi ka nga naman talaga mapapakain ng mga kakesohan na ito. Hindi mo mararating ang mga pangarap sa buhay sa kakesohan na ganito. Sa mundo o buhay na kung saan ang matibay ang siyang natitira, hindi nakapagtataka na ang tao ay tila naturuan nang ikubli ang kanyang mga emosyon. Emosyon ng tunay na nararamdaman para sa pamilya, kaibigan at lalong lalo na sa iyong kabiyak o pinakamamahal.

Ang presyo ng isang painting ni Da Vinci tulad ng Mona Lisa ay sapat na upang pakainin ang lahat ng batang matutulog ng gutom sa buong mundo sa gabing ito. O ang himig ng mga kumposisyon ni Mozart o Bach na ipinaririnig sa mga batang sanggol ay maaring makatulong upang sila ay maging “gifted”. Na ang isang Bob Ong ay maaring sumikat na hindi kinakailangan makita o makilala. Mga makapangyarihan kung tutuusin, lahat dahil lamang sa pagpapakita o pagpaparamdam ng tunay na damdamin. Hilig natin mga kakesohan sa musika, palabas o babasahin. Pero para manggaling mismo sa iyo, ang tunay mong nararamdaman, nakakahiya. kahibangan nga ba? Nakakabaliw.

Maaring OO, kakesohan nga. Kesong hindi magpapayaman saiyo, Kesong hindi ka papakainin, kesong maari pang maging balakid upang makamit ang sukat ng tagumpay na hinihiling ng mundo. Ang punto ko dito ay simple lang, bakit kailangan ng tao mahiya magpakakeso kung tunay naman niya itong nararamdaman? Ano nga ba ang nakakahiya kung sasabihin mo ang totoo mong nararamdaman para sa magulang, kapatid, kaibigan o iyong minamahal? Maghihintay ka na lamang ba kung wala na sila? Maari kaya na ang kakesohan na ating itinatago, ikinakahiya o iniiwasan ang susi sa tunay na kaligayahan o kasiyahan ng ating puso’t kaluluwa? Ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay at nais patuloy na mabuhay?

Hindi ako ma kesong tao. Nagtatanong lang naman.

Hmmm… Isip isip…..

Keso ano? Keso Kasi! Keso Dapat.

(*pati ata ang blogspot ayaw sa kakesohan...Lolz
Ayaw lumabas ang word verification pag comment embedded sa post.
Naayos ko na. Sa lahat na nagtry. Maraming salamat.
Please check yours too kasi marami rin ako nadaanan na ayaw. tnx!)