Saturday, February 28, 2009

Liham para kay Saul (updated)


to all the bloggers:
guys sorry if ganito ang post ko..medyo troubled lang talaga ako..i m doing ok na..wag na kayong mag-alala at sana di kayo galit.. - saul krisna

Nais ko man sakalin ka sa aking
sariling mga kamay sa mga oras na ito,

at paluin ng dos por dos
ng isang daan beses sa iyong puwitan,

hindi nito maitatago
ang aking kagalakan na ikaw ay nanatiling nandyan pa.

Hindi tama sabihin na "okay lang yun" Saul,
pero okay lang yun kasi sabi mo you're doing okay na...
Sana yung okay na yun ibig sabihin aayusin mo na sarili mo.
Na natuto kana.
O sisikapin at gagawin ang lahat
upang ayusin ang iyong sarili at buhay.
Makita ang liwanag sa dilim.

Gusto kita sapakin at bugbugin sa mga oras na ito...
Pero yayakapin na lang kita dahil pinili mo gawin ang tama.

Panalangin ko ang pagbabago ng iyong pananaw sa buhay,
sa mga taong nasa paligid mo, at lalong lalo na sa sarili mo.

Kilalanin mo ang Diyos Saul...


GOOD LUCK! GOD BLESS!

- ORAKULO =)

Original Post Date: 2/27/09
"Patawad sa Gagawin Ko..." - Lubha akong nabagabag sa post na ito ni Saul Krisna

Kaibigang Saul,

Sana mabasa mo ito. Una sa lahat, nais ko lang sabihin na hindi kapata-patawad yang iniisip mong gawin sa sarili mo. Marami na akong nakasalamuha na tulad mo. May ibang sadyang tanga, at meron din naman yung sobrang tanga! Pardon for the word my friend. But at least kahit papaano marinig mo ang totoo...
Ano ang ba ang nais mong patunayan sa gagawin mo? Sa bawat pagkakataon na sinasaktan mo ang iyong mortal na katawan? Ipagpalagay natin na sobrang pait at sakit ang lahat ng dinanas mo sa buhay mo, eh ano ngayon?! Mas lalo mo pa sasaktan ang sarili mo? Para makalimot? Para magpapansin? Para humingi ng awa? KALOKOHAN! KATANGAHAN! KAHIBANGAN!

Ang dami mong reklamo sa buhay! Lahat ng tao sinisi mo na. Sila lahat ang may problema. Na ikaw ang laging biktima. Ang pinaka kawa-awang nilalang sa mundo. Ikaw na walang kasalanan, ikaw na bukod tanging mabait. Pero sa sarili mo mismo ganyan ka? Paano ka rerespetuhin o mamahalin ng iba kung ikaw mismo ganyan sa sarili mo? UMAYOS KA NGA DYAN! UUPAKAN NA KITA EH!

Magalit ka na sa akin kung gusto mo, pero para sa akin NAPAKA SELFISH MO! Sarili mo na lang lagi ang iniisip mo. Kaya ka nagkakaganyan. Iniisip mo lagi ang mga bagay na you think you deserve. You demand for love and respect, but you can't even do it to yourself? Ang nakaraan ay nakaraan na. Huwag mo itali ang sarili mo sa kahapon! Sa lahat ng umapi sa iyo, sa nanloko sa iyo, lahat ng iyon natapos na. Nais mo ba mag higanti? Nakakatawa ka! Tingin mo may mababago ka sa nakaraan sa pamamagitan ng pagkitil ng iyong buhay? LINTEK KA!

Buhay mo yan. Pero hindi mabubura ng gagawin mo ang kahapon. Mas lalo mo lang pinatuyan sa sarili mo na hanggang ganyan ka na lang. Pag inisip mo na walang pag-asa, wala na talaga. Ngunit kung pipilitin mo lang mahalin ang sarili mo kahit kaunti lang, tanggapin ang lahat ng nakaraan upang magamit bilang binhi ng bagong buhay at kalakasan ng loob, makikita mo ang dahilan upang gumising araw araw. Pagkakataon na gawin ang tama, maranasan ang buhay na nais mong matikman.

Gawin mo ang gusto mo... Dalawa lang yan e...

Magpakamatay ka kung yan ang mararapatin mo...Pero pinatunayan mo lang na isa kang talunan! At tama lang na dinanas mo lahat ng pait na pinagdaanan mo.

O mahalin mo ang sarili mo, ayusin ang buhay mo para sa sarili mo. Makita ang ganda ng mundo at mga biyaya at talento na ibinigay sayo para magamit sa klase ng buhay na gugustuhin mo makamtan.


Sana piliin mo ang pangalawa. Sayang ka. Marami pang pwede mangyari sa buhay mo at nasasa kamay mo lahat yun. Wala sa nakaraan mo.
You may want to end your pains right now in that mortal life that you have, but think again my friend! You're about to make your pains last for an eternity.

Choose wisely. Choose to give yourself a chance! You deserve it!

Protektahan ka nawa ng mga Anghel ng liwanag sa gabing ito. Gabayan ka nawa ng Pag-ibig ng Diyos at hilumin ang puso at katawan mo. Mahal ka Niya. Mahal ka Namin. Mahalin mo Sarili mo.

May magandang bukas na naghihintay sa iyo! Pagkakataon mo na ito na gawin at maramdaman ang tama.

DO THE RIGHT THING! AT ALAM MO KUNG ANO YUN...

Kaibigang Nagmamahal ng Totoo,

ORAKULO

Thursday, February 26, 2009

Sikreto ni Orakulo

Mahal kong Orakulo,

Ako ay ikaw at ikaw ay ako. Ang lahat ng ikaw ay ako. Lahat ng naranasan mo, mula ng ikaw ay ipinanganak hanggang sa kasalukuyan, naranasan ko rin. Lahat ng natutunan mo ay natutunan ko rin. Sa mundo kung saan tayong dalawa ang patuloy na magsasama hanggang sa huli.

Batid ko ang pagod ng iyong utak at puso sa patuloy mong pakikibaka sa mga kahibangan ng tao. Oo, kasama ka na roon. Tao ka rin. Napapagod, naguguluhan at nalilito. Normal lamang ito. Nang ikaw ay ipinanganak, sadyang binigyan ka ng puso para makaramdam at utak para maka pag-isip. Sadyang magkahiwalay. Minsan magkasundo, minsan magkatunggali.

Puso para makaramdam ng saya at lungkot, galak at pighati, pag-ibig at sama ng loob. Utak para maintindihan ang tama sa mali, ang sobra sa kulang, ang naaayon sa kalokohan. Ang pagtatagpo nito ang iyong kaluluwa. Ang siyang kabuuuan ang iyong puso’t isipan na pinagsama.

Nakakapagod. Nakakalito. Nakakainis. Mga pagkakataon na ang dalawa ay magkatungali. Na tila ang puso mo ay hindi naayon sa iyong utak. Isang digmaan ng pagkatao, na ang isa ay hindi pumapayag magpatalo sa isa. Alam mo sa isipan mo ang dapat mong gawin, ngunit ayaw ng puso mo. Minsan naman gusto ng puso mo, pero kinaayawan ng isipan mo. Nag bubulag-bulagan. Nag bibingi-bingihan.

Mahirap at masakait man, doon mo mararamdaman at malalaman ang tunay na kagustuhan ng iyong kaluluwa. Ang importante, huwag na huwag mo pabayaan ang dalawa. Huwag kang mangampi. Huwag mo kalimutan ang iyong puso dahil lamang sa kagustuhan ng iyong utak. Ito ang dahilan kung bakit marami ang siyang nabubuhay na walang tunay na kaligayahan sa sarili. Pakiramdam ng kawalan, pakiramdam ng pagkabato, pakiramdam ng isang bagay na walang buhay.

Huwag mo rin baliwalaain ang iyong utak dahil sa kinasasabikan ng iyong puso. Marami ang naliligaw ang landas dahil dito. Nasasaktan na hindi naman dapat. Kawalan ng direksyon sa buhay, kawalan ng katuturan sa lahat ng ginagawa. Kawalan ng pag-asa. Pagkaipit o pagkakulong sa isang kahon na tila isang laruan na walang pakinabang.

Sa ultimong pinakamaliit na bagay sa buhay, hanggang sa pinaka kumplikado, ito ang realidad ng kabuuan mo. Ang importante matuto kang manahimik. Matuto kang magpahinga. Pahinga ng kalooban at isipan. Mapapagod din yang dalawang yan. Wala ibang pwedeng patunguhan iyon kundi pagkakasundo sapagkat sila ay tunay na iisa.

Ang importante wala kang kinakalimutan o kampihan sa dalawa. Alam ng kaluluwa mo kung hindi ka patas. Ibinubulong ito ng iyong kunsensya, ng sentido kumon. Mahirap kung tutuusin. Ngunit dito mo masusukat ang katibayan ng iyong pagkatao. Dito mo malalaman ang tunay mong kagustuhan at mga paninindigan. Dito mo makikilala at matatanggap ng buo ang iyong sarili. Upang sarili ay mahalin ng tapat at buo, para mahalin ang iba. Ito ang agimat mo, ito ang sikreto mo. Mga binhi ng sari-saring kapangyarihan…

Kapangyarihan maglakbay sa buhay na walang agam agam…
Kapangyarihan magpakatotoo sa puso’t isipan…
Kapangyarihan makamit ang tunay na kaligayahan…
Kapangyarihan laban sa anumang pagsubok na darating…
Kapangyarihan upang patuloy maglakad sa paroroonan…

Maniwala ka…Matuto ka… Mabuhay ka…

Nagmamahal ng Lubusan,

Orakulo

Wednesday, February 25, 2009

Ako ay Abo...

Masama ang loob ko ngaun...Hindi ko maintindihan...
Alam ko hindi dapat ito ang nararamdaman ko...
Pero sadyang di ko mapigilan...

Malamang ginusto ko din ito kaya nandyan.

Naasar. Naiinis. Nagdududa.
Masakit sa ulo. Masakit sa damdamin.

Siguro talagang ganun...
Dumarating sa punto na minsan nag dududa tayo sa ating sarili...

Nag dududa sa ating nararamdaman...
Nagtatanong kung kaya pa ba natin...
Kung tama pa ba ang ating mga ginagawa...
Kung may katuturan pa ba ang ating mga hangarin...

Hindi naman dahil sa umaasa ako...
Hindi naman sa hindi ako sigurado sa aking mga mithiin...
Hindi rin naman dahil pinagdududahan ko ang aking damdamin...
Hindi rin dahil nababagalan ako sa paglipas ng panahon...
At lalong hindi dahil na nawawalan ako ng gana...


Eh ano ba talaga pinoproblema ko?

Meron nga ba? Alam ko meron eh.

Ayaw ko lang aminin...


Miyerkoles ng Abo Ngayon....

Tayo ay abo, at sa abo tayo babalik...

Tama. Tao rin lang ako!

Ayun na nga siguro...

Napapagod din lang ako...

Karapatan ko din yun...

Kailangan ko magpahinga.
Kailangan ko maghilom.

Kailangan ko maramdaman.
Kailangan kita...


Pero para saan?
Pero bakit?

Pero kailan?
Pero sino?

Naiintindihan mo ba ako?
Hindi ako nalilito!
Ako ay Abo...

Monday, February 23, 2009

Keso ano? Keso kasi! Keso dapat.

Kakatapos ko samahan ang aking pusang si Choco para maglabas ng sama ng loob sa aming maliit na bakuran. Pansin ko na hindi na ganun ka lamig. Ang ihip ng amihan mula sa hilaga na nagdadala ng lamig ay parang humihina na. Senyales na ang posisyon ng mundo sa orbito nito ay papalapit na sa araw. Mas nagiging madali makakita ng shooting stars sa mga panahon nito. Sa aking paglalakad ng payapa sa maaliwas na gabing ito sa munti kong hardin, habang ginagawa ni Choco ang dapat niyang gawin, napaisip ako tungkol sa “kakesohan” ng tao.

Alam mo yun? Yung mga pagkakataon na animo eh para kang nandidiri sa mga sinasabi mo? Yung tipong habang nanunuod ng sine o telebisyon eh kinikilig ka na hindi mo alam kung bakit? Pag mahilig ka naman magbasa, yun yung tipong inuulit-ulit mong parte na basahin? May ginagawa ka na parang sobra sa normal na dapat na kilos para sa isa pang nilalang? Minsan may kasama pang luha na pilit mo ikinukubli na hindi makita…

Keso Eweee….. Keso yuck…. Keso anu ba yan….

Natatawa ako! Sabagay, sabi ko sa aking sarili, hindi ka nga naman talaga mapapakain ng mga kakesohan na ito. Hindi mo mararating ang mga pangarap sa buhay sa kakesohan na ganito. Sa mundo o buhay na kung saan ang matibay ang siyang natitira, hindi nakapagtataka na ang tao ay tila naturuan nang ikubli ang kanyang mga emosyon. Emosyon ng tunay na nararamdaman para sa pamilya, kaibigan at lalong lalo na sa iyong kabiyak o pinakamamahal.

Ang presyo ng isang painting ni Da Vinci tulad ng Mona Lisa ay sapat na upang pakainin ang lahat ng batang matutulog ng gutom sa buong mundo sa gabing ito. O ang himig ng mga kumposisyon ni Mozart o Bach na ipinaririnig sa mga batang sanggol ay maaring makatulong upang sila ay maging “gifted”. Na ang isang Bob Ong ay maaring sumikat na hindi kinakailangan makita o makilala. Mga makapangyarihan kung tutuusin, lahat dahil lamang sa pagpapakita o pagpaparamdam ng tunay na damdamin. Hilig natin mga kakesohan sa musika, palabas o babasahin. Pero para manggaling mismo sa iyo, ang tunay mong nararamdaman, nakakahiya. kahibangan nga ba? Nakakabaliw.

Maaring OO, kakesohan nga. Kesong hindi magpapayaman saiyo, Kesong hindi ka papakainin, kesong maari pang maging balakid upang makamit ang sukat ng tagumpay na hinihiling ng mundo. Ang punto ko dito ay simple lang, bakit kailangan ng tao mahiya magpakakeso kung tunay naman niya itong nararamdaman? Ano nga ba ang nakakahiya kung sasabihin mo ang totoo mong nararamdaman para sa magulang, kapatid, kaibigan o iyong minamahal? Maghihintay ka na lamang ba kung wala na sila? Maari kaya na ang kakesohan na ating itinatago, ikinakahiya o iniiwasan ang susi sa tunay na kaligayahan o kasiyahan ng ating puso’t kaluluwa? Ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay at nais patuloy na mabuhay?

Hindi ako ma kesong tao. Nagtatanong lang naman.

Hmmm… Isip isip…..

Keso ano? Keso Kasi! Keso Dapat.

(*pati ata ang blogspot ayaw sa kakesohan...Lolz
Ayaw lumabas ang word verification pag comment embedded sa post.
Naayos ko na. Sa lahat na nagtry. Maraming salamat.
Please check yours too kasi marami rin ako nadaanan na ayaw. tnx!)

Sunday, February 22, 2009

HIndi na kita mahal...

(Ito ay ang pagpapatuloy Pusong Nalilito... Batay sa totoong buhay ni Mark, Elsa at Riza. Katunayan, sa mga oras na ito, patuloy pang nadadagdagan ang mga kaganapan na bumabago sa kanilang mga kanya-kanyang buhay…)

Ramdam na ni Elsa ang paparating na ang denubyo. Isang kakaibang pakiramdam ng lamig,na tila tumatagos hanggang sa kasuluk-sulokan ng kanyang kaluluwa. Lamig na dala ay walang puknat na pangamba, mga makukulit at ma-pangasar na bulong na umaalingawngaw sa buo nyang pagkatao. Pilit hindi anigan ng tingin ang mga maiitim na halimaw na pumapaligid sa kanya. Nag bibingi-bingihan sa mapanlait na katotohanan. Lumulutang sa kawalan ng walang kasiguruhan. Nanginginig. Pinagpapawisan. Pilit hinahabol ang hinga.

Dumating na ang araw na kanyang kinakakatakutan. Araw na kung tutuusin ay hinding hindi niya inasahan. Kung saan ang minsan na mundo na kanyang ginalawan ng mapayapa at tiyak, kumpante at masaya ay magbabago na. Isang pagbabago na uukit magpakailanman sa kanyang puso at isipan. Isang pangyayari na magiging malaking impluwensya sa mga susunod na desisyon at mangyayari sa kanyang buhay. Mapait at sapilitang pagbabago ng kanyang pagkatao.

Friday the 13th. Araw ng kamalas-malasan. Nagpasama sa akin si Mark upang ihatid kay Elsa ang katotohanan na kanyang nadarama. Ayoko sana sumama dahil alam ko masakit ang susunod na mangyayari, hindi ko na dapat pang masaksihan iyon. Ngunit pinilit ako ni Mark. Inaasahan niya ako na alalayan si Elsa na malapit rin naman sa akin. Kahit dinahilan ko na ang lahat na pwede kong idahilan, maghihintay raw siya. Late na ako dumating, mag 9:30 na nang gabi noon. Inabot ko silang nag-uusap na. Sa isang madilim na lugar sa Paco park. Mata sa mata. “Hindi na ako masaya sa iyo, hindi na kita mahal Elsa”. “Ayoko na, Tama na” walang emosyong pagkakasabi ni Mark. Kalmado at sigurado. Walang halong kung ano-ano pa.

Nanahimik ako sa isang tabi. Lumayo na ako sa kanila. Napatingin sa langit na nuong gabi na iyon ay maulap. Walang bituin, walang buwan na makita. Ang tanging meron lang ay ang inggay ng mga maliliit na insektong nakatira sa damuhan at puno ng park na iyon. Napakasakit ng mga oras na iyon para kay Elsa. Isang kundisyon kung saan hindi mo mawari ang pakiramdam mo. Galit. Asar. Habag sa sarili. Duda. Inis. Piliit inaalam ang mga dahilan sa mga nangyayari. Pilit humawak o hatakin muli ang pag-ibig na minsan ay kanyang kanya lamang. Pag-ibig na akala niya hinding hindi siya iiwan. Isang biyaya na kanyang maraming beses pinabayaan, at ngaun nagdesisyon na siya’y lisanin.

Wala akong magawa. Pilit ko man ibuhos lahat ng aking karanasan at nalalaman. Wala itong epekto. Walang anumang salita ang makapagpapagaan sa isang tao na nilisan ng kanyang pinakamamahal. Lalo na’t ilang araw na lamang sana eh mag aapat na taon na ang kanilang relasyon. Pakiwari ko kay Elsa, para syang buhay na katawan na walang kaluluwa. Lumulutang. Hindi alam kung saan patungo. Ang normal na takbo ng buhay ay biglaang nahinto. Ang minsan na malinaw na daan ay napuno ng alikabok ng nakaraan.

Napakahirap sabi ko sa sarili ko. Napakasakit. Sana kayanin niya. Ang mga susunod na mga araw, linggo at buwan ay hindi magiging madali. Sa kanya at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Para siyang isang naglalakad na “black hole” kung saan parang hinihigop niya lahat ng sama ng loob sa paligid. Na kahit ang pinaka makinang na bituin o animo'y liwanag ay hindi makatakas sa bagsik ng higop na ito patungo sa maitim at malamig na kawalan. Pinagsakluban ng langit at lupa. Nakakahabag. Nakakainis. Hindi mo alam ang pwede mong gawin. Kung may gagawin ka man, alam mo baliwala ito. Dahil na kay Elsa na ang bola kung paano siya makakabangon rito.

Mas mabuti pa raw ang mamatayan. Merong burol at libing. Kung saan ang ataol ang magpapatunay ng isang pagwawakas. Kung saan ang libingan o puntod ay tanda ng tunay na katapusan. Naalala mo pa ba ng huli kang iniwan ng iyong kasintahan? Naalala mo pa ba kung paano ka naka move on? Kung paano ka bumangon matapos ang lahat-lahat? Paano mo nga pa tatakasan ang mga halimaw ng depression, denial, anger at self-pity? Nagmamakaawa. Pipilitin magbago. Dumadalangin sa Diyos na tila hindi nakikinig. Nabubuhay sa mundo na para bang walang pakialaam sa kinasasadlakan mo.

Huli na ang lahat…“Hindi na kita mahal…”

(itutuloy….)

ORIGINAL POST DATE: 2/20/09
UPDATE 2/22/09: Medyo nawala ako bahagya sa sirkulasyon gawa ng pagtindi ngayon ng depression ni Elsa. Hindi ko mawari. Sinisiraan na niya si Mark at ako. Pinagdududahan ang lahat sa kanyang paligid...

Thursday, February 19, 2009

Buhay Ko. Buhay Mo.

Sa aking pagtanaw at pagtitig kanina sa langit, habang papauwi sa bukirin, napansin ko nanaman ang mala-dyamenteng kinang ng planetang Venus. Sa mga buwan ng Enero hanggang Marso ito pinakamatingkad sa langit. Sa pagitan ng takip-silim hanggang hating gabi. Ito ang tinatawag na “evening star”.

Kanya-kanyang pangalan, pinagmulan, identidad, suliranin, pangarap at kagustuhan. Kanya-kanyang buhay. Ito ang isa sa mga realidad ng buhay. Kanya-kanya. Napaka simpleng kunsepto kung tutuusin. Ngunit naisip ko lang, sa simpleng kunseptong ito nagmumula ang maraming sama ng loob o problema na hindi naman dapat bigyan ng tuon. Mga hadlang upang makita ang katotohanan.

Oo. Sabi nga ng isang awit “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang”, sa ingles naman, lagi nating naririnig “No man is an island”. Hindi ito ang punto ng post kong ito. Totoo. “Man is a social animal”, kailangan niya makihalubilo sa kapwa tao, ngunit sa maraming pagkakataon sa ating buhay, ang pakikihalubilo na ito ay sumosobra sa paraan na hindi natin napapansin. Sumosobra sa kung ano at alin ang dapat problemahin sa isang pang kapwa nilalalang, mapa pamilya, kaibigan, ka-opisina, kabrakada o kahit sa pag-ibig.

Mga pamilyang nagkakawatak-watak. Mga kaibigan na nagkakaaway-away. Pag-ibig na nauuwi sa kawalan. Mga patapon ang buhay. Mga nawawalan ng gana sa kanilang ginagawa. Mga nalilito sa kanilang pupuntahan o dapat gawin.

Kung ating susuriin ng mabuti, ang bawat pakikibaka ng ating puso at isip ay nakabatay na sa iba…

Para sa kanya, para sa iyo…
Laging kasalanan nila…
Laging gawa niya…
Laging siya or sila kasi….

Kung mamalasin ka pa at mag papaka emo. Ma de-depress ka. Na tipong tinatali mo na ang iyong sarili pati mga galaw mo gawa niya or nila. Na pati ang kasiyahan mo eh nakasalalay na sa iba. Sobrang pagmamahal. Sobrang concern, Sobrang pakikialam. Sobrang pagmamarunong. Sobrang pagmamalinis. Sobrang kahibangan! Madalas sa hindi naranasan na natin ito at patuloy parin mararanasan. Ang epekto kaguluhan, ang mailto sa bawat problema o pagsubok na dumadating sa ating buhay. Pagkawala ng control sa buhay. Eh paano ka mo nga ba ma kokontrol ang buhay mo kung sa iba ka nakatuon? Buhay nila ang nais mong kontrolin? Kalokohan diba! Isip-isip!

Normal lang ito kung tutuusin. Ngunit nakaktuwang isipin na sa lahat ng ito. Sa paghahanap ng liwanag sa dilim, hindi natin lubos maisip na suriin muna ang ating mga sarili. Mas iniisip natin ang pwede o dapat gawin ng iba. Para bang nakasalalay na sa iba ang kasiyahan at kagalakan ng iyong buhay. Kung mararapatin lang natin tignan ang makinang na bituin sa ating mga puso, at bigyan tuon ang mga dapat ayusin sa ating sarili, malamang sa hindi ang kinang na ito ang siyang lilitaw na pinaka matingkad na bituin langit. Ang siyang magiging gabay sa anumang landas na ating nais tahakin.

Sa mga suliranin na bumabagabag sa iyong puso at isip, ilan nga ba dito ang masasabi mong may control ka? Sa patuloy mong pakikibaka sa pang araw-araw mo na buhay, ilang beses ka nababadtrip gawa ng iba? Sa mga hangarin mo sa buhay, ano nga ba ang pumipigil sa iyo upang ito ay marating? Naitanong mo na ba ang iyong sarili kung ikaw mismo ang gumagawa o may kagagagawan ng iyong kinasasadlakan? Na nasa iyong mga kamay ang tunay na kagalakan at kaganapan ng iyong buhay?

Buhay mo. Buhay ko. Ito ang buhay natin.

Tuesday, February 17, 2009

25 ni Orakulo

25 na bagay tungkol kay Orakulo. Hmmm… Paano nga ba yun?
Para sa isang Manghuhula na may lolang spiritista?
Nabubuhay sa kalawakan sa dako paroon.
Sakit sa ulo! Baka mawala ang kapangyarihan ko.
Siya tama na nga…. GAME NA! Hehe…


25 TRUE LIES SA BUHAY NI ORAKULO


1. Mahilig ako sa lahat ng klase ng sining. Magaling ako sa visual at self-expression arts tulad ng painting, photography, drawing, sketching, sculpture charcoal art at abstract works. Katunayan nagging myembro pa ako ng isang grupong sikat sa buong mundo sa mga ganitong laranggan. Mahina at nakakahiya ako sa performing arts lalo na sa theater at music. Mahal ko ang musika, pero sadyang hindi ako mahal nito. Kakalungkot.

2. Sadya atang wala ako ng nagpasabog ang Diyos ng katalinuhan sa mundo. Sikat ako sa lahat ng eskwelang pinasukan ko. Pasaway kasi. Laging nasa last two sa anumang ranking ng buong batch. Matigas ang ulo at laging may sariling mundo, minsan nasa ibang planeta pa. Pero sinalo ko lahat ng biyaya ng ka-weirdohan. Sa sobrang pag ka weird, nagawaran ng maraming paranggal ng mga mortal na barkadang hunghang sa paligid.

3. Mahilig ako kumain ng matatamis. Ayaw na ayaw ko yung mga maalat. Mapa ulam man ito o desert. Oo. Merong maalat na desert. Maniwala ka.

4. Pinangarap ko minsan na maging astronomer, doctor, piloto, negosyante at abugado ng sabay-sabay. Nagising na lamang ako sa katotohanan na mas bagay ako sa bukirin na nagsasaka na may simpleng buhay. No choice kasi, bopols eh. hehe

5. Ayaw na ayaw ko ng gatas. Sa katunayan, kailangan pa dati ako habulin ng nanay ko para lamang uminom ng gatas. Hindi naman ako lactose intolerant. Intolerant lang ako sa tsupon.

6. Hindi ako makatulog kung hindi bukas ang ilaw. Hindi naman ako takot sa dilim pero ganun lang talaga. Pagtulog na ko, saka mo patayin. Nakahubad ako matulog. As in walang saplot. Kaya kong uminom kape bago matulog at walang epekto ito.

7. Ganun din sa inggay. Kailangan ko may naririnig ako habang pinipilit matulog. Ayaw na ayaw ko matulog na walang sounds. Ma pa crash metal man yan okay na.

8. Magaling ako mag sinungaling. Katunayan nag sisinungalaing ako sa mga oras na ito. Halata masyado kung nagsasabi ako ng totoo. Nakakainis. Masakit sa ulo mo at ulo ko. Hindi ba?

9. Hindi ko hilig ang prutas. Ang tanging nakakain ko lang eh saging.

10. Mahilig ako sa gulay. Lalo na yung mga hardcore na gulay. Ano yun? Yun yung mga naglalaway, mapait, at green na green. Hindi gulay ang repolyo at kung ano anong sikat pag pumupunta ka ng baguio. Sabi ng nanay ko pampatalino daw ang gulay. Hindi ako naniniwala. Walang epekto sa akin ang gulay.

11. Tamad ako pumasok nuong college. Katunayan hindi ako kumokopya ng notes. Walang laman ang notebook ko paglabas ng classroom. Ang tangging dala ko lang ay tape-recorder. Ganun ako ka tamad. Pero gimmikero ako. Panalo lagi pag dating sa anong pwedeng gawin sa bakanteng oras.

12. Hindi ako marunong magluto. Mahilig ako tumikim ng pagkain, kung ano ano, walang pinipili. Katunayan, dalubhasa ako sa laranggan ng pag sabi kung ano ang masarap sa hindi. Normal at kakaiba. Kaya pag may handaan na espesyal, lagi akong nasa kusina upang maging kinakatakutang hurado ng mga ulam.

13. Varsity ako sa basketball at archery nuong college. Nagka medalya rin at nag laro sa palarong pambansa ngunit nabokya. Frustration ko ang swimming at table tennis. Haaaay.

14. Marami na akong napuntahan sa pilipinas. Wish ko rin makapagbyahe sa ibang bansa lalo na ang europa at africa. Mahilig ako mag travel kung saan saan. Kahit back pack lang solb nako. Kelangan ko lang dala ang comfort pillow ko o malong para hindi ako mamahay. Nature tripper ako.

15. Hirap ako matawa sa mga mababaw na jokes. Sobrang seryoso kong tao. Pero mas madali ako matawa kung may inaasar ako na hindi nila pansin inaasar ko na sila.

16. Kailangan muna lumindol ng intensity 12 bago ako kabahan at mapraning kung ano ang gagawin. Pero madali ako mataranta sa simpleng pagbabago ng daily routine or schedule ko.

17. Maaga ako nilapit ng aking mga magulang sa simbahan at sa Diyos. Pangalawang tahan ko na simbahan. Pero kahit na minsan hindi pumasok sa isip ko ang mag pari. Katunayan, mas nagging malapit ako sa kunsepto ng supernatural na nuong college nakasama pa ako sa tinatawag ngaun na spirit questors.

18. Hindi ako mahilig makipaglaro sa mga kababata ko. Nangolekta ako ng marvel comics. Lumaki ako kasama ang superfriends, Saturday Fun Machine sa Channel 9, Sesame Street, Bioman, Shaider, Voltron, Voltez V, Batibot etc. Eto ang kabataan ko. May collection ako ng Gi Joe at Magic Cards. Adik ako sa Dragon Ball Z.

19. Mahilig ako sa mga pets. Meron akong baboy, manok, kambing at baka sa aking bakuran. May pusa din akong laging kasama na ang pangalan ay choco. Katabi ko siya matulog. Pangarap ko umabot sa libo libo ang mga alaga kong hayop. Kahit bahay kubo basta may satellite dish at internet connection pwede na yun. hehe

20. Naniniwala ako sa astrology. Mga zodiacs (Aries, Leo), feng shui at mga pangitain sa kalikasan. Hindi kasi tatagal yan ng ilang libong taon kung walang basehan. Pero hindi ako nataya ng lotto, o bumibili ng mga bagay na pang pa swerte. Kalokohan yun.

21. Hindi ako mahilig magbasa o makinig ng anumang lecture. Mas natututo ako sa pagmamasid at pag titig sa paligid at mga bituin tuwing gabi. Lalo na sa panunuod ng mga palabas sa sinehan at telebisyon. Naririndi ako sa balita.

22. Matalas ang aking pakiramdam sa paligid. Madali kong na pipick up ang anumang scene o kayay tunog o salita na hindi ko naman sinasadya na maalala. Kaya madali ko rin nararamdaman kung ano ang totoo sa hindi. Sa lahat ng aking hinulaan, 99 percent mali ako. Kaya marami nagpapahula sa akin.

23. Kaya ko makipagtalo magdamag para patunayan sa iyo na ang upuan na nakikita mo ay hindi upuan. Pero madali ako susuko kung pagtataluhan natin ang ibig sabihin ng isang bugtong o palaisipan.

24. Madali ako ma impress. Galante ako sa puri.

25. Simpleng tao lamang ako. May mga simpleng pangarap. Simpleng kasiyahan. Bagama’t kapos sa mga material na mga bagay sa mundo at nagnonose bleed pag pinipilit ko mag ingles. Kaya ko naman mag chinese, japanese, german, french, spanish, at italian FOOD pag gutom. Syempre libre ng mga kaibigan ko. La ko pera eh. Haaay. pautang…huwaaaaa!

Alin ang Totoo? Alin ang Kasinungalingan?

Ang masasabi ko… TOTOONG TAO AT ALIEN AKO. Hehehehe! =)

* Nais ko lang iparating kay Dylan na nahirapan ako dito. Salamat nag enjoy ako. =p

Saturday, February 14, 2009

Mahal ko... (Valentines Date)

Mahal ko,

Kauuwi ko lang... Kasama ko hanggang hatinggabi si Mark, Elsa at Rey sa “batcave” sa resort na minsan ay tinawag nating “ground zero”. Galing si Mark sa Manila Cathedral, kasama si Riza. Awang awa ako kay Elsa, ramdam ko ang sakit na dinaranas niya, pero alam ko malalagpasan niya rin iyon. Sana. Ayos naman ang mga sinabi ni Rey, natawa nga ako kasi ngaun ko lang narinig si Rey magmura ng ganun ka lutong para bigyan supporta si Elsa. Kilala mo na man iyon. Kahit ako ibinigay ko na lahat ng pwede ko ibigay kay Elsa, sana nga nandun ka at alam ko marami ka pwedeng maipayo o masabi para makatulong sa nararamdaman niya. First time kasi ni Elsa sa ganitong sitwasyon. Sobrang saya ni Mark, hinahanap ka nga sa akin, sabi ko pinagpahinga na kita kasi medyo napagod ka sa date natin, galing ka panaman sa sakit. Ininum mo na ba medicines mo? Nag-aalala ako sobra. Kung pwede lamang ipasa ang karamdaman na iyan, buong puso kong tatanggapin. Alagan mo naman please kasi ang sarili mo ha? Huwag matigas ang ulo...

Mahal ang saya saya ko! Habang nagmamaneho ako pauwi kanina, kusang paulit ulit nag pla-play yung valentines date natin sa utak ko. Parang “last song syndrome”! Kahit sa araw-araw pakiramdam ko eh valentines mula nang nakilala kita, di ko lubos maisip na ang ligaya at pagmamahal na aking nadarama ay hindi pa pala sukdulan. Parang kada araw na lumilipas, mas lalo pa itong nadadagdagan. Para bang yung tingin kong todo na, eh hindi pa pala. Haaaay! Ang sarap sa pakiramdam. At laking pasasalamat ko sa May Kapal na ika’y aking natagpuan. Siguro nga. Sana nga. Ito na yung walang hanggang na sinasabi nila. Napakapalad ko sa iyo. Sa tagal tagal ng panahong paglalakbay, sa dami ng lugar na akin ng napuntahan, sa iyo ko lamang naranasan ito. Tunay at lubos na pakiramdam na walang duda, pakiramdam ng kapayapaan na nagbibigay dahilan sa lahat ng hindi ko maintindihan. Sa malikot kong isip, sa buhay kong minsan diko mawari ang pupuntahan.

Bakit sa tuwing ika’y nakikita tila kinakabahan ako? Kaba na puno ng saya na hindi ko maipaliwanag! Pagkasabik na tila ang tagal-tagal na kitang hindi nakita. Mula nang magkita ang mga mata natin kanina para sa ating date, parang nakasulyap nanaman ako sa langit. Pakiramdam ng nahuhulog muli. Na parang napapadpad ang aking kaluluwa sa kakaibang dimensyon. Na kung saan ang paliwanag ay hindi ko maarok. Na kung saan ang pag-ibig na nadarama ay sapat na upang sagutin ang lahat ng aking tanong…

Nagustuhan mo ba ang mga pulang-pulang rosas na ibinigay ko? Ako mismo ang nagtanim at nag-alaga ng mga iyan, pinitas sa saraling hardin na ipinangalan ko na sa iyo. Bago paman ako pumunta sa inyo kanina, buong tiyaga kong tinangal ang kada tinik sa mga bulaklak. Nasugatan at nasaktan man ako nang maraming beses kakamadali, mas gugustuhin ko na iyon, keysa naman ikaw ang matinik at masakatan. Hinding hindi ako papayag na mangyari iyon, hindi ko kakayanin…

Nagustuhan mo ba ang cottage natin sa tabi ng dagat? Natuwa nga ako nung isang linggo nang ipareserve ko ang cottage na yun. Iyon ang paborito kong lugar sa tuwing mag i-iscuba ako sa anilao. Kitang kita ang malawak na dagat at mga karatig na maliit na isla. Iyon ang pinakatutok ng burol sa resort. Medyo nakakapagod umakyat paitaas. Kaya binuhat na kita kanina. Galing ka panaman sa sakit Tawa ka ng tawa kasi alam mo tagaktak na pawis ko, pero kung alam mo lang kung gaano kasaya ako tuwing nakikita kitang nakangiti at puno ng saya. Parang kada halak-hak mo sumasabay ang puso ko. Wala akong magawa kundi titigan ka at namnamin ang kada minutong dumaraan na parang ang bilis. Mabilis pero parang tumitigil ang oras. Hindi ko mawari!

Napakaswerte natin. Tayo lang pala ang mga guests kanina sa beach resort na iyon. Ang tahimik ng paligid. Ang ganda ng panahon lalo na’t malapit na mag-sunset ng tayo’y dumating. Napakapayapa. Ang malumanay na tunog ng alon at huni ng mga ibon pauwi na sa kanilang mga pugad. Ang maginhawang hangin na payapang dumadapo sa ating mga mukha habang ini-enjoy ang katahimikan kasabay ng pag-lubog ng araw sa dagat…

Sorry ha, ang daldal ko kanina! Nakakahiya. Hindi na kita pinasingit magsalita. Dire-diretso ako na parang wala nang bukas. Hindi ko kasi mapigilan ang aking sarili. Parang kada minuto na dumadaan eh kulang para masabi ko ang gusto ko sabihin… para maipaliwanag ang aking nadarama… mga pangarap para sa ating dalawa. Sapat na ang tingin at ngiti ng iyong labi habang nakahiga ka sa lap ko upang malaman ko na naririnig at naiintindihan mo ang kada salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ko maintindihan ang aking kasiyahan habang hawak ko iyong isang kamay, habang ang isa naman ay pinapadaan sa iyong buhok, pilit pumapawi at humihigop ng lahat ng pagod, kaguluhan at kalungkutan na iyong nadarama… Hindi ko na isasama pa dito ang mga sumunod na nangyari. Sa ating dalawa na lang iyon, kung saan itatago ko habang buhay sa aking puso ang mga oras na tila ang dalawa ay tunay na nagging iisa…

Mahal maraming salamat. Hindi ko ma express sa mga salita ang aking nadarama. Hindi ko ito maintindihan. Hindi ko rin lubos ma isip na posible para sa akin ito. Hindi ko alam kung tama ba o mali. Ang alam ko lang masaya ako nandyan ka at nakilala kita. At dahil dun ramdam ko at alam ko mas nagiging mabuti akong tao gawa mo. Hindi ko talaga alam. Pero sana batid mo na naririto lamang ako para sayo. Kapiling ka lagi. Malapit o malayo man. Para ikaw ay alagaan, ikaw ay samahan. Ika’y saluhin at ika’y paginhawain. Ang dami kong gusto sabihin. Sobrang dami kulang ang oras sa buhay na ito, pero sa lahat ng iyon, simple lang lang naman ang katotohanang nanahan na sa aking kaluluwa….

Mahal na mahal kita…

And I’ve never felt anything so sure in my entire life…

-Orakulo

* Kailan mo huling ipinaalam sa mundo ang pag-ibig mo sa mahal mo? Ti-natag ko ang lahat na babasa nito. Sige nga... Say what you mean, mean what you say. An Open Love Letter. Sa mahal mo, sa mamahalin mo, sa nameet mo, sa hindi mo pa nameet. Sa pinag-breakan mo. Just let it out, "How do i Love thee"...

Friday, February 13, 2009

Malas sa Pag-Ibig

Friday the 13th! Araw ng kamalas-malasan. Isang tradisyong naipamana ng kanlurang bahigi ng mundo sa pamamagitan ng kwento, telebisyon at sinehan. Isang araw kung saan ang salitang “ingat” ay binibigyan pansin sa bawat pagpapaalam. Isang araw na masasabing karamihan ay sensisitibo sa mga magiging kaganapan sa loob ng 24 oras. Nagmamamasid. Nakikiramdam. Handang i-ugnay ang anumang di kanaisnais o di inaasahang pangyayari sa sinumpang araw na ito. Araw na tila ang swerte ay hindi hinahanap, bagkus malas ang nais makita.

Bukas February 14 na. Valentines day. Araw ng mga puso. Araw ng mga nagmamahalan. Nakakatuwang isipin na bago sumapit ito, kailangan mo muna lampasan ng matagumpay ang sinumpang araw ng Friday the 13th sa taong ito. Kaya naman natuwa ang malikot kong utak nang makita ko ang kalendaryo noong nakaraang linggo. Meron nga bang tinatawag na malas pagdating sa pag-ibig?

Sa mga pare at mare, siguro naaalala pa natin yung mga panahon na sinubukan natin mang ligaw at nabasted. (Oo, uso narin dati ang mga chicks ang nanliligaw) O kung sa iba naman ang style eh nagpapapogi, nagmamaganda o nagpapapansin pero hindi rin bumenta sa kanilang prospect. Meron din naman yung tipong nag-antay ng pagkatagal-tagal para lamang malaman na nauwi sa wala ang paghihintay. Mga torpe at torpa. Paasa at umaasa. Mga “deny-to-death”. Mga playing safe. Insecure at sobrang secured.

Sa mga nasa relasyon at nagnggaling sa relasyon: Martyr. Santo. Demonyo. Under. Over. Tanga. Manggagamit. Ginamit. Baliw. Immature at over-matured. Saddista at masochista. Manyak at walang alindog. Nananakal at nagpapasakal. Nanloko at nagpaloko. Nagtatanan at Nilalayasan. Nagpapakasal at naghihiwalay. Nangangaliwa at ngangatlo pa! Meron din ngangapat sa kapwa lalaki o kapwa babae pa. At meron din yung nawawalan ng gana at sobra sa gana. Umiintindi at di-nakakaintindi. Naiintindihan at di-maintindihan. Kamalasan nga naman sa pagibig!

Ngunit sa kabila nitong lahat, bakit patuloy sumusugal ang bawat isa atin sa ngalan ng pagmamahalan? Sleepless nights. Sakit ng ulo. Paranoia. Galit. Sumbatan. Stress.Tampuhang walang kakwenta-kwenta. Murahan pa nga kung minsan. At kung mamalasin ka pa, may sampal at suntok pang kasama. At lahat ng ito nagmula dahil sa isang desisyon o pakiramdam. Nais mo magmahal at mahalin pabalik. Pero bakit ganun? Paano nangyayari na isang napakagandang bagay tulad ng pag-ibig eh mauwi sa ganun? Lohikal bang isipin na ang lahat ng malas na ito ay sarili nating kagustuhan dahil tayo mismo ang nagsimula nito? Nagtanim ka ng mais, aani ka ng talahib?

Kamalasan sa pag-ibig… Fri the 13th sa Feb 14th…. Sa aking palagay, walang kamalasan sa pag-ibig. Tayo mismo ang gumagawa ng kamalasang na iyon. Tulad sa araw naito, ang pokus natin ay kung ano ang malas, at ang swerte ay tila nasa isang tabi hindi pinapansin.

Kahibangan nga naman ng mga tao! Pag-ibig na nga, hahanapan o gagawan pa ng malas. Eh ano ba talaga gusto mo?! Baka nalilito ka lang. Kaya ka nagkakanda malas-malas. Yun lang yon! Loko ka pala eh. Itawa mo na lang.

Bwahahahaha…..tsaka ka mag huhuhuhu! LOLZ!

Sabi ng Lola kong spiritista “…tanging Tunay na Pag-ibig lamang ang pa-ngontra sa kamalasan sa buhay…” It does make sense. Salamat po!

INGAT! Maligayang Araw ng Malas sa Ating Lahat! =)

Thursday, February 12, 2009

Soulmates... Naniniwala Ka ba?

Sa dinami-daming mga nababasa nating mga fairytale, hanggang sa mga teleserye na napapanood sa telebisyon, hanggang sa mga nobela na tinaguriang bestseller at mga pelikulang box-office hit, hindi makakaila na lahat tayo may konsepto ng salitang SOULMATE...

Soulmate... Isang nilalang na tila bagang nakalaan para sayo. Isang tao sa bilyon-bilyong tao sa mundo na patuloy na humihinga kada araw. Kapareha na itinakda ng tadhana na syang tunay na magpapakumpleto sa pagkatao at kaluluwa mo. Pag-ibig na perpekto sa isang hindi perpektong mundo...

Sa ating patuloy na paglalakabay sa agos ng buhay, marami sa atin ang nakaranas ng umibig. Marami narin sa atin ang sinuwerte na ibigin pabalik ng ating minamahal. Ngunit sa mga karanasan nating ito (sa mga nasa relasyon at nanggaling sa relasyon) masasabi mo nga ba na kinakasama mo ngayon, ang hinahalikan at niyayakap mo, ang siyang sabihan mo na I LUV YOU ay ang soulmate mo? Hmmm... Paano mo nga ba malalaman kung ang iyong minamahal ang siyang nakatakda sa iyo? Paano mo masasabi na ito nga ang para sayo at hindi ka nag sasayang ng oras na iyong iginugugol para sa kanya?

Maraming konsepto ng Pag-ibig ang tao. Ano nga ba talaga ito? "One-sided" na pakiramdam lang ba ito na ating nararamdaman? Ito ba ay isang temporary "moment" na kung saan ang dalawang kaluluwa ay tila nagkakasundo na magmahalan? Na kung sakali bumitaw ang isa o di kayay manlamig ang isa, ibig sabihin ba nito ang pag-ibig lumilipas na din? O di kaya'y ito ay isang kahibangan lamang ng tao upang punuuin ang kalungkutan ng pagiging mag-isa?

Sa lahat ng mga tanong na ito, masasabi natin isa lang ang "common" sa lahat. Eto ay ang punto ng hindi kasiguruhan. Totoo. Walang tinatawag na "sure ball" sa mortal na dimension na ating kinasasadlakan. Kaya tama rin kaya na hindi dapat isarado ng tao ang kanyang utak sa kunsepto ng soulmate?

Since many need soulmates in specified time frames,

they focus their searches to lessen the wait.

Sadly they don’t know that escaping their destiny

is harder than waiting to uncover their fate.


This sacred salvation is a divine revelation

at the moment two souls recognize --

that this magical reunion of soulmates

is a union with God in disguise.

Sa aking pagmumuni-muni sa walang katapusan kong mga tanong, napagtantuhan ko na OO, naniniwala akong lahat ng tao ay may itinakdang soulmate. Isang soulmate na siyang tunay na nakalaan para sa kanya. Nakalaan na magkaintindihan, magkasundo, magmahalan, magtulungan at higit sa lahat magbigayan sa lahat ng pagkakataon na kanilang pagsasamahan sa mundo at sa susunod na buhay. Hindi ko sinasabi na ito ay isang "perpektong" relasyon na kung saan ang walang tampuhan o gulo na maaring mangyari, ngunit masasabi ko na ito ay perpektong relasyon dahil sa bawat gusot na kanilang pinagdadaanan, ito ay nauuwi sa mas matinding pagmamahalan at pagkakaunawaan. Ito ang kunsepto ko ng Tunay na Pag-ibig. Pag-ibig na siyang nagdudugtong sa dalawang kaluluwa.

Sa aking paningin, lahat tayo nabibigyan ng pagkakataon upang matagpuan ang soulmate na nakalaan sa atin, ngunit sa maraming dahilan na tayo madalas ang gumagawa, nabubulag tayo sa pagkakataon na ito, pagkabulag sa ating mga maksariling hangarin, kung kaya't mas marami ang lumipas sa mundo na hindi nabiyayaang maramdamang makapiling ang nakatakda para sa kanila. Kung tutuusin 1 : 5.1 Billion. Mas possible pa tamaan ng kidlat at tumama ng lotto ng 5 beses magkakasunod. Pero kaya nga tinawag itong "Magic" o di-kaya "Miracle". Kailangan mo maniwala upang ito ay makita.

Paano ngayon ang mga nasa isang relasyon? Soulmate mo nga ba yang kinakasama mo? Nag-aaksaya ka nga ba ng oras sa kanya? Minamahal mo siya, ngunit siya nga ba ang nakalaan para sayo? Paano na ang Soulmate mo? O Marami kang Soulmate? Naniniwala ka nga ba?....

Wednesday, February 11, 2009

I Found You

I have come this far to tell you out loud
My love for you is true and proud
I do not wish to take you away
But to hold your hand for you to stay

Stay with me despite distant shores
For love awaits our weary doors
I do not know you, have we met?
Why this feeling so pure and set?

Months have gone, days have passed
Yet your presence has grown to forever last
I long to see and hug you in the end
To welcome you home where true love will send

I wish you well from my heart that's true
For in my dreams I'm always with you
Time will pass as it always do
But time has stopped the day I found you

Tuesday, February 10, 2009

Pusong Nalilito...

Ang pag-iibigan ng dalawang puso ay tunay na masasabing hindi parte ng mundong ito. Ito ay yung mga panahon na tingin mo kumpleto ka. Masayang masaya ka dahil meron kang minamahal, at minamahal karin nito pabalik.

Ngunit sa bawat relasyon, may mga pagkakataon na dumadating na tila ang isa ay naghahanap ng pupuno sa pagkukulang ng isa. May mga pangyayari na hindi sinasadya, at mga sitwasyon kung saan bigla pumapasok ang duda sa minsan ay inakala mong "perfect" and "secured" relationship.


Naranasan mo na bang lokohin ang iyong mahal?
Naranasan mo na bang maloko ng iyong iniibig?


Ito na siguro ang pinakamasakit na ating mararanasan sa ating buhay. Mas masakit pa keysa sa mamatayan. May iba tuluyan pang nababaliw o nagpapakatiwakal dahil dito. Ang hindi kayanin o lubos maisip na magagawa ito ng isang tao na pinagkatiwalaan ng kanilang puso.

Si Mark ay matalik kong kaibigan. Girlfriend niya si Elsa na kung saan mag fo-four years na sila sa darating na isang buwan. Maganda ang chemistry ng dalawa. Para silang tunay na magbestfriend kung tutuusin. At sa tagal nilang magsyota, masasabi kong marami narin silang napagdaanan. Tulad sa anumang relasyon may mga pagkakataon din na sila ay nagkakatampuhan, nag-aaway at ilang ulit narin na nag-break tapos nagkabalikan.
Kung tutuusin, matindi ang pagmamahal ni Mark kay Elsa. Masasabi ko nga na martyr nga ito.
Si Elsa ay masasabing liberated na babae. Sa tatlong taon na kanilang pinagsamahan, maraming maraming beses nag nangaliwa si Elsa, at ilang beses narin siyang pinatawad ni Mark.

Para kay Elsa ang mga pangangaliwang kanyang ginawa ay gawa lamang ng pangangailangan ng katawan. Sex lang daw yun at hinding hindi niya maaring pakawalan si Mark. Si Mark lang daw ang tanging mahal niya at nais niyang makasama habang buhay. At si Mark naman, bilang isang lalaking matindi ang pasensya at tunay nga namang mahal na mahal si Elsa, laging nagpapatawad at umiintindi. At ako bilang kaibigan, suportahan ko na lang. Tutal mukha nga naman masaya talaga siya eh.

Eto ngaun, Si Mark may nakilalang bagong kaibigan na itago na lang natin sa pangalan na Riza. At pansin ko ang kasiyahan ng aking kaibigan kay Riza. Na tila sobra siyang excited sa kanyang nadarama. Na para bang nais pa niya lalong makilala si Riza ng lubusan. Ramdam ko ang kasiyahan at kasabikan ng kanyang puso. At para sa akin may karapatan din niya maging masaya lalo na sa lahat ng kanyang pinagdaanan...

Sa tingin niyo, ano nga ba ang dapat ipayo ko?....

(itutuloy...)

Si Andro...


(Ang kwentong iyong mababasa ay batay sa tunay na karanasan. Ang mga pangalan at ibang detalye ay sadyang binago upang protektahan ang identity ng may akda)

“Dumating na ang tagapagmana” Eto ang nasabi ni Lola Anjang.

Si Minandro ay bunso sa limang magkakapatid. Mula sa pamliyang masasabing maginhawa at tahimik lumaki si andro. Paborito siya ng kanyang ama. Ang kwento ng kanyang ina, sanggol palamang si Andro, lagiging sinusigurado ng kanyang ama na siya ay gisingin at laruin pagkagaling sa trabaho….

Wala pang isang taon gulang noon nang unang nakapagbigkas ng salita si Andro. “Hindi karaniwang bata” ang malimit na sabihin ng mga amiga ng kanyang ina. Kung ang iba “tay” “nay” o “momom” ang unang salita, si Andro naman “Madyik”. Gawa narin siguro nito ng mga kwento ng kanyang ama gamit ang mga libro na binili pa sa ibang bansa at paglalambing sa tuwing ito ay darating upang ibigay ang pasalubong galing sa trabaho…

Maagang natuto si andro maglakad at magbasa. Kaya naman nang una siyang pumasok sa
eskwelahan mabilis itong nagging paborito ng mga guro. Hindi masasabing bibong bata si andro. Sa katunayan sa kabila ng kanyang napakamurang edad na dapat sana ay makulit at matigas ang ulo, siya ang batang masasabing may pagka “autistic”. Parang may sariling mundo na kung papansinin ay laging tulala. Blangko na para bang robot na ni re-record ang bawat bulalas ng kanyang mga guro. Ang kakulitan ni andro ay nakamamangha. Dahil ang kakulitan niya ay mararamdaman sa kanyang mga walang katapusang pagtatanong. Tungkol sa maliit at malalaking bagay na nakapaligid sa kanyang murang isipan…

Isang hapon pauwi mula sa eskwelahan, kasama si Ate Angel, napansin ni Andro ang isang kakaibang hugis ng ulap sa langit “Ate nakikita mo ba yung cloud na yun?”. Nairita si Ate Angel at naputol an gang kanyang pakikipaglandian kay Mang Totoy na nagdradrayb ng sasakyan. “Andro, pwede ba? Matulog ka na lang dyan sa likod! Isuot mo yang seatbelt mo. Huwag ka nang maraming tanong! Lintik na bata ka!”. Dali-dali naman sumunod si andro at ipinikit ang mga mata sabay yakab sa kanyang knapsack puno ng mga libro at notebook. Maya-maya pa, biglang may sumalpok na dumptruck sa kaliwang bahagi ng kotse tangay pati ang mga kaluluwa ni Mang Totoy at Ate Angel. Parang lata ng sardinas ang sasakyan na tinapakan ng higanteng paa…

Pagmulat ng mga mata ni Andro, nakita niya ang kanyang Lola Anjang at kanyang Ina na lumuluha sa sulok ng kwarto. Maraming nakakabit na kung anu anong aparato sa kanyang katawan. Walang nararamdamang sakit si Andro ng mga oras na yun. Katunayan, namangha pa siya sa mga hitsura at tunog ng mga gamit na sumusuporta sa kanyang patuloy na paghinga. Sa kabilang banda naman, pilit hinhanap ni Andro kung saan nangagaling ang tunog ng piano na tila nagpapakalma sa kanyang takot. Huni na para bagang umaawit ng kapayapaan at paghilom sa maliit na katawang nabugbog ng trahedya sa highway…

Makalipas ang ilang araw, nakapag salita na si Andro. Nakatinginan silang dalawa ng kanyang Lola Anjang at ito ay napangiti. Agad tinanong ng kanyang Lola “Apo ano ba nakita mo?” Laking gulat ni Andro “Ano po la?” “Ano nakita mo?” Tanong ulit ng matanda na puting puti na ang mga buhok na may makapal na salamin. “Ulap po na hugis kabayo na may katabing kandila” sagot ni Andro. Napatawa si Lola Anjang. “Kumain ka na… uuwi na tayo bukas”

(Itutuloy…)

Liham...


Mahal kong Kaibigan,

Kamusta ka na? Sana nasa mabuti kang kalagayan...

Ramdam ko ang kaguluhan na tumatakbo sa iyong puso't utak...

Pakiramdam nang pagkalito, takot, pagod, kawalan ng gana, mga sikretong kahibangan na pilit mong ikinukubli sa iyong sarili at sa iba...

Pilit ibinabaon sa iyong "subconsciousness" kung saan tingin mo ito ay hindi makakaepekto sayo...

Masaya ka nga ba aking kaibigan?

Oo buhay ka nga... ngunit naranasan mo na bang mabuhay?

Alam mo nga ba ang dahilan kung bakit patuloy kang naglalakbay?

Alam mo ba kung saan ka patungo? Alam mo ba kung ano ang gusto mo?

Sa lahat ng nangyari na sa iyong buhay at pinagdaanan...

Sa bilyon bilyong tao sa mundo... Alam mo ba kung ano ang halaga mo?

Sa milyon milyong semilya ng iyong tatay, bakit ikaw pa ang nabuhay?

Sa libo-libong itlog ng iyong ina na nauwi sa regla, bakit ikaw pa ang naging sanggol?

Sa daan-daang araw na maraming namamatay, bakit naririto ka pa?

May isasagot ka nga ba?

- ORAKULO

* Ang blog na ito ay aking buong pusong inihahandog sa aking pinakamamahal.
Ikaw ang dahilan, ikaw ang patutunguhan, ikaw ang aking kayamanan...